Ang Train Law ay isang bagong batas na inaprubahan ng Pangulong Rodgrigo R. Duterte upang makatulong umano sa mga manggagawang Pilipino. Isa itong mainit na usapin sa kasalukuyan na hindi malaman laman kung nakatutulong nga ba o lalong nagpapahirap sa pamilyang Pilipino. Alamin natin ang katotohanan na nakapaloob dito base sa kaalaman ng mga Pilipino sa kung ano nga bang talaga ang Train Law. Ngunit bago natin tunguhan ang sinasabi ng batas, atin munang tignan kung paano ang naging pagtanggap at pag-intindi ng iba’t-ibang klaseng mamamayang Pilipino sa mga impormasyon ukol sa Train Law na ibinabato ng midya.

Si Bb. Mara Lacsamana ay isang CPA o Certified Public Accountant at propesor sa Unibersidad ng Santo Tomas sa kursong Accounting. Noong tinanong siya kung ano ang pagkakaintindi niya sa Train Law, ang kaniyang naging kasagutan ay “Ang pagbubuwis ay isang kaganapang ipinatutupad ng ating gobyerno para sa lipunan, kung kayat’ ito ay nirerebisa upang tumugma ito batay sa pangangailangan ng lipunan.” Dagdag pa rito, para sakaniya, ang Train Law ay isang dagdag na buwis sa mga negosyo, ngunit ang prominenteng epekto ay nasa mga pangkaraniwang empleyado. Ito ay dahil ang mga pangkaraniwang mamayan ang sumasagot sa mga karagdagang buwis na ipinapataw ng Train Law. Ika nga niya, “Kung sino yung mayayaman, sila yung payaman nang payaman tapos kung sino yung mahirap, sila yung pahirap ng pahirap because of this taxation.” Noong tinanong naman kung saan siya nakakuha ng kaalaman ukol sa usapin, sinabi niyang napanood niya ito sa mga balita at sa iba’t-ibang seminars na kaniyang pinuntahan.

(Mula sa kaliwa: Ernesto Suarez, Yunique Salvador, G. Franz Del Rosario, Rushdy Tiblani, Erica Tiu at Jim Tec) Sunod namang tinanong si G. Franz Del Rosario, isang Accounting student sa unang taon sa Unibersidad ng Santo Tomas, sa kung ano ang pagkakaintindi nito sa Train Law at kung saan niya ito nakuha. “Ang train law ay pinatupad para mapataas ang presyo ng bilihin. Direkta ding naaapektuhan ng train law ang middle at lower class habang ang high class naman ay lalong yumayaman. Napanood ko to sa TV at siyempre, mas naintindihan ko nung Filipino yung wikang ginamit kasi mas napaliwanag ng maayos kumpara nung Ingles.”

Ayon sa isang mag-aaral sa kursong Accountancy sa Unibersidad ng Pilipinas, ang Train law ay nag-iimplementa ng mas pinababang income tax, ngunit nagdadagdag naman ng adlib tax kung saan itinuturing na benepisyo ito para sa mga middle-class at nagiging pahirap sa mga mayayaman. Ngunit minsan ay nakalilito dahil walang maayos na pagpapaliwanag dito, kadalasan ay teknikal ang pagpapaliwanag kung ano ito lalo na kung babasahin sa internet.
Ayon sa isang street vendor ng mangga sa bandang Dapitan, ang Train Law, base sa mga napanood niya sa balita, ay nagpapataas lamang sa presyo ng mga bilihin. Hindi ito talaga nakatutulong sa mga Pilipino, taliwas sa pinangako ng batas na ito.
“Nagpapahirap lang ang Train Law sa buhay kasi nagtatas presyo ng bilihin. Lalong humihirap yung mahihirap na katulad ko kasi pag tumaas sweldo, tataas din presyo ng bilihin kaya wala din” naman ang naging sagot ng isang street vendor sa may bandang P. Noval sa katanungang ano ang Train Law. Ayon sakaniya, nababasa niya ito sa mga dyaryo at naririnig sa radyo.
Ngunit ano nga ba ang sinasabi ng midya ukol sa Train Law?

Ang Train Law ay nilagdaan ng Pangulo noong ika-17 ng Disyembre taong 2017 na naglalaman ng mga sumusunod na inkulsiyon:
Mga ginhawang dala umano ng Train Law sa mga Pilipino. (Sources: GMA News TV at ABS-CBN TV Patrol)

Pagbaba ng buwis na ipinapataw sa mga sasakyan. (Source: ABS-CBN TV Patrol)
Mga karagdagang patong mula sa buwis sa mga produktong petrolyo. (Sources: GMA News TV at ABS-CBN TV Patrol)

Dagdag singil sa kuryente depende sa taas ng pagkonsumo. (Source: GMA News TV)
Halaga ng dagdag na buwis para sa mga inuming may artificial sweeteners. (Sources: GMA News TV at ABS-CBN TV Patrol)
Mapapansing tumutugma ang kaalaman ng mga mamamayang Pilipino sa impormasyon ibinibigay sa atin ng dalawang tanyag na Broadcast Networks sa bansa. Ngunit ano nga ba ang tunay na sinasabi ng batas?
Kung ikukumpara sa isang PDF file ng mismong kasulatan ng batas (https://www.senate.gov.ph/publications/STSRO/50%20-%20Taxbits%2048th%20January%20-%20February%202018.pdf), tunay nga naman ang iniuulat ng mga nasabing TV Networks.
Dahil mababaw ang mga salita at ginagamitan ng mga litrato ang pagpapaliwanag sa Train Law, masbmainam na naintindihan ng mga Pilipino kung ano nga bang talaga ang ginagawa ng batas na ito sa ating bansa. Mas mabilis ang naging pagtanggap ng impormasyon ng mga ito na nakapaloob lamang sa iilang minutong pakikinig o panonood.
Tunay ngang malaki ang kapangyarihang pinaghahawakan ng isang wika sa paghahatid ng impormasyon sa tao. Sa tulong nito, nagiging mas madali ang paraan ng pag-intindi ng mga Pilipino sa mga napapanahong isyu, partikular na ang mga batas na ipinatutupad ng administrasyon. Dahil dito, nagiging edukado ang mga Pilipino kahit na sa paraan lamang ng panonood o pakikinig ng balita sa midya. Hindi lahat ay mga mambabatas o akademiko na maalam umintindi ng lahat ng mga salita o pahayag na mahalaga para sa bansa. Ang paggamit ng midya ng wikang Filipino na naiintindihan ng majority ng mamamayang Pilipino ay isa sa pinakamalaking tulong na kailangan ng Pilipinas upang hindi magmistulang mangmang sa sariling bayan.